Habang papalapit ang 2010 at inaabangang eleksyon, wala pa ring tigil ang Kongreso sa pagsusulong ng Cha-Cha. Nais nilang ang Korte Suprema ang magdesisyon kung legal bang sila na lamang at hindi na isama ang Senado sa pag-aamiyenda ng Konstitusyon. Maraming abogado (at abogago) sa Kongreso pero bakit wala ni isa ang magsuri kung nasa Konstitusyon ang kanilang iniisip? Napakakumplikado ba ng Konstitusyon ng Pilipinas para hindi nila malaman kung tama ang kanilang gagawin?
Hindi raw sa pagpapalawig ng termino ni Pangulong Gloria Magapagal Arroyo kung bakit inaapura nila ang pagbabago ng Saligang Batas. Para saan kung ganoon? Sasabihin nilang maganda raw na sistema ang federalismo kung saan sa halip na Presidente ay Punong Ministro ang mamumuno sa bansa na ihahalal hindi direkta ng mga tao kundi ng kaalyado nito sa Parliamentaryo. Sa sistemang ito, maaaring kumandidato si GMA bilang isang kasapi ng Parliamento at muling mamuno bilang Punong Ministro kapag inihalal ng kanyang mga kaalyado.
Kung maganda ang sistemang Parliamentaryo, bakit inalis ito matapos mapatalsik si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos?
Kaalinsabay ng pagbabago ng sistema ng gobyerno, nais din ng ating mabubuting TONGressman na bigyan ng karapatan ang mga dayuhan na makapag-ari ng ating mga lupain at likas na yaman nang buong-buo o 100%. Bakit? Anu-ano bang mga bansa ang may ganitong probisyon sa kanilang Saligang Batas?
Ngayon pa nga lang ay nagiging dayuhan o turista na lamang tayo sa ating sariling bayan. Yong dating libreng baybay-dagat na libre nating pinaliliguan ay may bayad na matapos tayuan ng kubo-kubo at lagyan ng pader ng mga dayuhang kapitalista. Yong dating libreng tanawin sa kabundukan ay may bayad na rin matapos bakuran, lagyan ng mga cottage at swimming pool ng mga kapitalistang puti, singkit at sakang.
Kapag naamiyendahan ang Konstitusyon, lahat ng ating puntahang magagandang tanawin ay may bayad na habang sa loob nito ay nag-cha-cha ang Punong Ministro at ang kanyang mga alipores.
No comments:
Post a Comment