Wednesday, January 5, 2022

Kalingap Rab, Naging Emosyonal sa Hindi Pagbalik ni Brother Jose

Naging emosyonal si Rabboni James Matubang, a.k.a., Kalingap Rab habang bina-vlog ang naging desisyon ni Brother Jose tungkol sa hindi niya pagbabalik sa Team Kalingap. Matatandaan na "pinaalis" ni Kuya Val Santos Matubang si Brother Jose matapos nitong magpahayag ng saloobin sa isang isyu na pinatitigil nang pag-usapan pa ni Kuya Val na kinasangkutan ng isang sponsor ni Kalingap Rab.

Rabboni James "Kalingap Rab" Matubang
(Image from Kalingap Rab Facebook page)

Matapos hindi mapabilang sa grupo ni Kalingap Rab, ipinagpatuloy ni Brother Jose ang kanyang pagba-vlog. Sa halip na mga mukbang, naging content niya sa kasalukuyan ang pagtulong din sa mga nangangailangan ng tulong sa abot ng kanyang makakaya. Hindi niya nagawa ang ganitong klaseng content noon dahil ito ang nilalaman ng mga vlog ni Kalingap Rab. Hindi naman kasi maaaring iisa ang kanilang content.

May mga natuwa nguni't mas marami ang naunsyami nang biglaang nawala sa eksena si Brother Jose sa vlog ni Kalingap Rab. Nasanay na kasi silang kasa-kasama ang second-cousin ni Kalingap Rab sa mga misyon nito. "Very harsh" naman daw ang naging parusa ni Brother Jose gayong ang layunin lang niya sa kanyang vlog ay maayos ang lahat at irespeto ang kababaihan. May mga nagtampo rin kay Kalingap Rab dahil hindi niya napagtanggol si Brother Jose sa kanyang ama. Hindi rin kasi malinaw ang parusang tinanggap ni Brother Jose: kung ito ba ay pansamantala o permanente na.

Brother Jose and Kalingap Rab 
(Image from Brother Jose's Facebook page)

Sa pagkawala ni Brother Jose sa Team Kalingap at matuon sa charity ang kanyang vlog, biglang dumami ang kanyang mga subscribers at viewers. Hindi mapasusubalian na sanhi rin ito ng kanyang naunang exposure sa mga vlog ni Kalingap Rab. Gayunman, hindi rin mapasusubalian na may mga tao at sponsor na nakisimpatiya kay Brother Jose. 

Bakit nga ba hindi na bumalik si Brother Jose sa Team Kalingap?

Isa sa maaaring dahilan ay nahihiya na rin siyang bumalik pa. Umiiral na rin kasi rito ang pride at prinsipyo lalo na at mabuti naman ang iyong naging pakay noon. Marahil ay hindi niya napanood ang warning ni Kuya Val at nailathala na niya ang kanyang vlog tungkol sa kontrobersyal na isyu. Isa pang dahilan ay tumagal na ang kanyang "pagkakasibak" sa Team Kalingap at hindi maliwanag kung gaano katagal ang parusa at kung siya ay makababalik pa. Hindi rin naging maagap si Kalingap Rab sa pakikipag-usap sa kanya. Parang inisatpwera siyang bigla bilang pagsunod sa kanyang ama.

Marahil ay napagtanto ni Brother Jose na mas mainam kung magsasarili na siya upang maiwasan pa ang anumang isyu sa hinaharap. Hindi naman nangangahulugan nito na may napatunayan na siya sa sarili kaya ayaw na niyang bumalik pa. Bagkus, pinasalamatan niya si Kalingap Rab at Kuya Val Santos Matubang dahil sa mga naitulong ng mga ito sa kanya, lalo na at magkakamag-anak sila. 

Tiyak na marami na namang reaction video ang maglalabasan sa naging desisyon ni Brother Jose na huwag nang bumalik sa Team Kalingap. Tiyak na darami na naman ang mga bashers niya. Dahil dito, ang panalangin ko ay maging maayos na ang lahat. Respetuhin natin ang naging desisyon ni Brother Jose. Kung nagkamali man siya sa kanyang pagsasarili ay hayaan na lang natin na ang panahon ang makapagsabi. Ang mahalaga ay maipagpatuloy niya ang kanyang munting pagtulong sa ilan nating kababayan. 

Kay Kalingap Rab, maging aral nawa ang karanasang ito. Huwag itigil ang pagtulong sa ibang vlogger na magtagumpay rin. Magkaroon ng internal rules para maging maayos ang lahat. Ituring pa ring kaibigan at kamag-anak si Brother Jose upang muling manumbalik ang samahan kahit bilang indibidwal man lang at hindi na grupo. Maging matatag lalo na at nagbabalak ng bumuo ng pamilya.

Mabuhay ang Team Kalingap!

Panoorin dito ang pahayag ng mga sangkot tungkol sa isyu:

Ang vlog ni Kalingap Rab

Ang vlog ni Brother Jose

        

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...