Dahil sa pandemya dulot ng Covid-19, hindi nagkaroon ng Alternative Learning System (ALS) Accreditation & Equivalency (A&E) Test para sa Batch 2019 at 2020. Ang naging basehan ng pagtataya upang pumasa ang isang learner ay ang kanyang Presentation Portfolio. Ang sinumang nakakuha ng 28 puntos pataas para sa Batch 2019 ay sapat na upang maihanay ang pangalan ng isang mag-aaral sa Register of Completers and Passers at pagkalooban ng Katunayan ng Pagtatapos. Maliban sa 28 points, ang learners ng Batch 2020 ay kinailangan pang pumasa sa English Reading ang Writing test upang pumasa.
Magkakaroon ba ng ALS A&E Test para sa Batch 2021? Iyan ang katanungan nais malaman ang kasagutan ng mga kasalukuyang mag-aaral ng ALS. Kung tutuusin, dapat ay nakapagsulit na ang mga mag-aaral dahil ito ang panahon ng pagsusulit kung magbabasehan ang mga nakaraang taon.
Sa ngayon ay wala pang ibinababang memo ang DepEd hinggil kung magkakaroon ng pagsusulit o hindi. Ito ay sa dahilang naghihintay pa sila ng abiso mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF lalo na at unti-unti nang bumababa ang kaso ng Covd-19 at tumataas ang bilang ng nabakunahan na.
Para sa ilang ALS implementers, sapat na ang Presentation Portfolio upang matasa kung may nalaman ang mga mag-aaral at bigyan sila ng katunayan. Gayunman, maraming ALS teachers at DepEd officials ang naniniwalang hindi sapat ang portfolio dahil hindi nila tiyak kung ang mga mag-aaral nga mismo ang gumawa ng mga ito. Kahit may rubriks na pagbabasehan, naroroon pa rin ang "subjectivity concern" lalo na kung ang magtatasa ay kabilang sa iisang regional o division office ng DepEd. Batid naman natin na nais ng mga School Division Office (SDO) at Regional Offices ng Department of Education na marami ang pumasa sa ALS. Magkaminsan kasi, nakabase ang mga bonus at benefits sa performance ng mga tanggapang ito.
Dahil wala pang kasiguruhan kung magkakaroon ng A&E Test, maraming mga mag-aaral ng ALS ang kinakabahan na sa posibleng pagkakaroon ng pagsusulit sa mga unang buwan ng susunod na taon. Dahil sa uncertainty na ito, ngayon pa lang ay dapat nang magbalik-aral o mag-review ang mga mag-aaral sa kanilang mga binasa at natutunan. Hindi kailangang maging kampante ang lahat. Dapat, tulad ng isang boyscout, "Laging Handa".
May mga indikasyon na magkakaroon ng pagsusulit sa A&E. Isa na rito ang pagkakaroon ng mga bar at board exams. Pangalawa, isinasagawa na rin ang face-to-face learning sa mga piling public and private schools, sa elementarya, sekondarya, at maging sa mga kolehiyo at pamantasan sa buong bansa. Pangatlo, bumababa na nga ang kaso ng Covid-19 at dumarami na ang porsyento ng mga nabakunahan na.
Kung magkakaroon ng pagsusulit sa ALS A&E para sa Batch 2021-2022, makatutulong ang mga reviewers ko na naka-post sa blog na ito - Alternative Learning System at blogger.com. Ang mga ito ay base sa mga ALS Modules at sa mga nakaraang pagsusulit. Simulan na ninyo ang pagre-review habang maaga pa. Mahirap na ang magsisi sa huli.