Monday, October 11, 2021

Pagkalansag ng Tropang Bukid ni Macki Moto, Pera Nga Ba Ang Dahilan?

Inihayag ni Macki Moto sa kanyang vlog noong October 9, 2021 na paghiwa-hiwalay na ang Tropang Bukid. Kahit nabigla ang marami sa pahayag na ito, inaasahan ko nang mangyayari ang aking pinangangambahan dahil na rin sa paunti-unting pagsasalaysay ni Ka Buddy sa kanyang mga nakaraang vlog. Partikular na rito ang hindi pagsama ng ilang ka-tropa sa mga paglusong sa bukid nang hindi nagpapaalam. Naroon na rin ang pagkakabanggit ni Macki ng malaking gastusin buwan-buwan masuportahan lang ang kanilang YouTube channel.


Pero ano nga ba ang tunay na dahilan ng biglang pagkakawatak-watak ng Tropang Bukid?

Maaalala na sinimulan ni Macki Moto ang kanyang channel noong May 27, 2019. Sa simula ay may kinalaman lang ito sa mga motor kung saan kinuha ang pangalan ng channel. Kalaunan ay naiba na ang content nito hanggang mapokus sa mga gawaing bukid. May umalis at dumating na mga miyembro sa Macki Moto hanggang matira sila MY Empi, Father, Black Shadow, Double Light, Miguelito, at Hito Beer.

Dumami ang subscribers ni Macki Moto noong magsimula siyang mamigay ng tulong sa mga nangangailangan at sa mga kabarangay. Ang pagtulong na ito ay tila nahinto (o hindi na naisama sa vlog) nang magsimulang magpagawa ng bahay si Ka Buddy. Natatandaan na siya at ang kanyang pamilya ay nakatira lamang sa isang simpleng bahay sa kanyang pagsisimula sa YouTube. Bumili siya ng lupa at nag-renta ng isang apartment na malapit sa kanyang pinagagawang bahay sa ngayon. Dahil sa YouTube, ibinili rin siya ng kanyang misis (na nag-vlog na rin) ng isang pickup na gustong-gustong niya. Nabahagian din ng grasya ang kanyang mga ka-tropang bukid sa magandang kinikita ng kanilang YT channel. Nabigyan ang ilan ng salapi upang mapaayos ang kanilang bahay; ang iba naman ay binigyan ng lupang pagtitirikan.

Ang paglago ng Macki Moto ay naging inspirasyon ng mga miyembro ng Tropang Bukid upang magkaroon din ng YouTube channel. Hindi ko lang batid kung ito ay kanilang initiatibo o udyok ni Ka Buddy. Gayunman, unti-unti ay lumago rin ang kanilang channel. Sa kasalukuyan, narito ang bilang ng subscribers ng kanilang YouTube channel:

    1.  MY Empi Vlog                        -    25.1 K 
    2.  Black Shadow in the night          22.3 K
    3.  Hitobeer TV                            -    19.6 K
    4.  miguelito #kabuddy                -    15.7 K
    5.  Father and Son YT                  -    8.6 K
    6.  DOUBLE LIGHT OFFICIAL -    7.4 K

 Masasabing kumikita rin kahit papaano ang mga miyembro ng Tropang Bukid. 

Naging maayos ang samahan ng tropa subali't marami ang nakapansin nang unti-unting pagkawala ni Black Shadow sa grupo. Ipinagpalagay na ito ay sa kadahilanan ng kanyang pagkakasakit. Kung nakakasama man siya sa lakaran, tila hindi na siya iyong dating masayahin at punong-puno ng biro. Nitong mga nakaraang buwan, napansin na rin ang pagkawala ng iba pang miyembro. Hindi na sila nakumpleto. Hindi malaman ng manonood ang dahilan.

Sa kanyang video noong October 5, 2021, sinagot ni Macki Moto ang mga katanungan ng mga subscibers/viewers. Dahil dito, napansin kong tila hindi na maganda ang samahan ng Tropang Bukid. Hindi nagpapaalam o nagpapasabi ang ilang miyembro na hindi makakasama sa mga lakarin. Bilang namumuno, hindi maganda iyon kay Ka Buddy. Ipinahayag din sa bidyong iyon na magdaragdag ng bagong miyembro ang Tropang Bukid. Hindi na nga ako nabigla nang biglang ianunsyo ni Macki Moto na binuwag na pansamantala ang Tropang Bukid.

Sa video noong October 9, 2021, nagpasalamat sa mga subscribers ang miyembro ng Tropang Bukid. Sinabi roon na pangkalahatan ang kanilang desisyon na magkawatak-watak. Ipinahayag din na ginawa iyon upang mapag-aralan nila ang kanilang sarili  at sitwasyon, at matutong tumayo sa sariling mga paa. Nakangiti man, aninag sa kanilang mga mukha ang kalungkutan. Hindi ko tuloy alam kung ang kanilang sinabing mga dahilan ay ang tunay na dahilan.

Hindi kaya pera ang tunay na dahilan ng kanilang pagkakahiwalay?

Sa aking pananaw, may kinalaman din ang pera sa pagkakawatak-watak ng Tropang Bukid. Napansin ko kasi na simula nang magkaroon ng kani-kaniyang YT channel ang mga miyembro ng Tropang Bukid, unti-unti ring bumababa ang bilang ng views at subsribers nito. Ito ay ayon sa Social Blade.

Dahil sa pagbaba ng views, natural din na bumaba ang kinikita ng channel. Nabanggit din ni Ka Buddy na tamang-tama lang ang kanilang kinikita. Marahil, ito rin ang dahilan kung bakit hindi na sila masyadong nakatutulong sa mga nangangailangan. Kung tutuusin nga naman, LUGI si Ka Buddy sa nangyayari. Kasi nga, nagkakaroon ng dagdag kita ang ibang miyembro ng Tropang Bukid dahil sa kani-kanilang channel bukod sa kita nila sa Macki Moto channel. Natural lang na lumiit ang kinikita ni Ka Buddy gayong malaki ang kanyang bayarin buwan-buwan, lalo na nga at absent ang ilang miyembro sa kanilang lakarin.

Sana nga ay hindi salapi ang tunay na dahilan nang pagkakahiwalay ng Tropang Bukid. Sana sa muling paglaki ng kita ng channel ni Ka Buddy ay magtuonan na niya ang pagtulong sa kapuwa dahil sa palagay ko ay malaking dahilan ito kaya dumami ang kanyang mga subscribers at viewers, dagdag pa ang pagbibigay tulong sa kanya mula sa ating mga kababayang OFW at mga kababayan sa iba't ibang panig ng daigdig. 

Sana, kung may hindi man pagkakaunawaan ang Tropang Bukid ay maayos na agad. 


   



RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...