Saturday, April 24, 2021

Caring for a Brother with Parkinson's Disease (PD)

Sumulat ako ng isang artikulo tungkol sa Parkinson's Disease (PD) kamakailan upang makapagbigay ng impormasyon ukol dito. Isinulat ko ito dahil sa ngayon ay tatlong linggo na akong tumutulong sa pangangalaga ng aking nakababatang kapatid na mayroong ganitong sakit.


Walong taon nang malaman ng mga doktor na mayroong PD ang aking kapatid. Hindi natukoy na mabuti kung saan nakuha niya ang sakit na ito dahil may kinalaman dito ang heredity, kapaligiran, at sakuna. Hindi agad naggamot ang aking kapatid dahil kaya pa ng kanyang katawan ang paminsan-minsang paninigas ng kanyang mga kasukasuan at mahinang pagkilos. Mas mahirap gamutin ang sintomas ng kanyang sakit kaysa sa mga taong may mga tremor lamang o panginginig ng kalamnan dahil may kaakibat na sakit ang paninigas ng kalamnan, yong tila sakit na nararamdaman mo isang araw matapos mong mag-ehersisyo sa unang pagkakataon.

Napilitang uminom  ng gamot ang aking kapatid nang magsimulang bumagal ang kanyang pagkilos o biglaang "pagkabato" o sensasyon na tila isa kang estatwa. Dahil kakulangan sa dopamine ang sanhi ng PD, levodopa-carbidopa ang kombinasyong nirereta ng mga neurologist. Nako-convert ng levodopa sa dopamine kapag ito ay pumasok sa sistema ng katawan lalo na sa "nervous system." Bukod dito, umiinom din siya ng pulbos mula sa mucuna pruriens at Biovea capsule.

Ang pangangalaga ng isang pasyenteng may Parkinson's Disease ay hindi madali. Ito ay nangangailangan ng tatag ng loob, pang-unawa, at pasensya. Dahil iba-iba ang mga sintomas na ipinamamalas sa bawat sesyon ng paggagamot, iba't ibang istratehiya ang kailangan bago, habang, at pagkatapos makainom ng mga gamot ang pasyente.

Laging sinasabi ng mga may sakit na huwag silang kaawaan bagkus ay suportahan lamang nguni't sa katotohanan, napakahirap nitong gawin dahil naroon ang awa kapag nakikita mong nahihirapan at nasasaktan ang iyong mahal sa buhay. Ang simpatiya ay lagi nang kakambal ng suporta. Mas madaling ibigay ang suporta subali't mahirap pigilin ang pagkaawa sa isang taong nahihirapan.

Dahil tuwing ikatlong oras ang pagbibigay ng gamot sa aking kapatid, isang buong araw siyang nangangailangan ng bantay. Hudyat na bibigyan na siya ng gamot kapag unti-unti nang nawawalan ng bisa ang sinundang gamot na malimit ay hindi tumatagl ng dalawang oras mula sa pag-epekto ng gamt. Nakararamdam na siya ng mahinang pagkilos tulad ng maliliit na mga hakbang, paglaylay ng kaliwa o kanang balikat, at paninigas ng kasu-kasuan. Mas matagal ang gamutan o pagbibigay ng lunas sa mga sintomas ng PD kapag nahaluan pa ito ng "pagtigas" o "paglobo" ng tiyan o ang tinatawag na bloating na sanhi ng kinain o epekto ng gamot. Dahil dito, kailangan niyang uminom ng pagpaalis ng kabag sa tiyan. Saksakan din ang hirap kapag may malalang paninigas at pamumulikat sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan. Dahil dito, kakailanganin ang pamamasahe at paghimas sa mga kalamnang apektado kasabay ng pag-inom ng tubig at electrolyte drink tulad ng powerade.

BAGO UMINOM NG GAMOT

Maraming seremonyas muna ang nagaganap bago uminom ng gamot ang aking kapatid. Dahil unti-unti nang umaatake ang sintomas ng kanyang kondisyon, naroong umihi muna siya, mag-stretch, iba-ibang posisyon sa paghiga at pagdapa upang maging komportable, at panaka-nakang pag-inom ng likido. Depende sa sakit na nararamdaman, may kasama ring pagmasahe, paghimas, at pagpahid ng magnesium spray sa naninigas at pinupulikat na kalamnan. 

PAGKAINOM NG GAMOT

Depende sa grabe ng kanyang mga sintomas, kailangan muli ang pamamasahe at paghimas ng mga kalamnan at kasu-kasuang masakit. May pagkakataong napapasigaw sa sakit ang aking kapatid; minsan naman ay nakahiga lamang siya at umiinom ng tubig at powerade habang hinihintay ang pag-epekto ng mga gamot. Ang bilis ng pag-epekto ng gamot ay depende sa ininom ng gamot, sa tindi ng mga sintomas, at kung may kabag o wala. Kadalasan ay umeepekto ang gamot sa loob ng 15- 30 minuto. Pagkaminsan, ito ay lumalampas ng isang oras lalo na kung maraming lamang pagkain ang kanyang tiyan o may kabag.

PAG-EPEKTO NG GAMOT

Hudyat na umeepekto na ang mga gamot kapag nagsimula nang gumalaw-galaw ang kanyang mga kamay at paa subali't ang mga paggalaw na ito ay hindi niya makontrol o tinatawag na involuntary movements. Habang nagaganap ito, kailangan mo pa rin siyang masahihin o hagurin ang kalamnang unti-unting nabubuhay o lagyan ng pwersa ang pagkabila niyang mga paa upang mawala ang pamumulikat o pangingimay. Naroon din ang pagbibigay ng tubig o powerade. Kung pagkaminsan, sumasabay din dito ang kanyang pag-ihi. Para siyang lumalangoy sa kama o tila turumpong kangkarot kapag unti-unting nagkakabisa ang kanyang ininom na mga gamot. Ang mga galaw na hindi niya makontrol ay kadalasang tumatagal mula 10 hanggang 25 minuto.

Panoorin DITO ang bidyo kung paano ang aking pag-aalalay sa aking kapatid bago, habang, at pagkatapos umepekto ang gamot.

Tiyak na may mga nagtataka, namamangha, at naaawa sa iyong mga napanood na bidyo. Natural lamang itong reaksyon. Hindi pa sagad ang iyong nararamdaman dahil napapanood lamang ninyo ito. Ano pa kaya kung naroon kayo mismo sa pinangyarihan?

Visit this link to see what levodopa does to a patient with Parkinson's Disease:



RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...