Hindi mapapasubalian na sikat na si Lola o Donya Damiana. Sa mga hindi nanonood sa YouTube, si Lola Damiana ang mahirap na matanda na unang tinulungan ng mag-amang vlogger na si Val Santos Matubang at Rabboni James Matubang.
Ang matanda ay naninirahan na nag-iisa sa itaas ng bundok sa bahay na lumang-luma na. Sa tulong ng mag-ama, unti-unting napapaayos ang tahanan ng matanda na mayroong konting diprensya sa pag-iisip. Dahil sa madalas na pagbisita nina Kuya Val at Kalingap Rab, na-expose sa YouTube ang matanda at naging instant superstar sa mga subscribers at non-subscribers ng dalawa. Tatlong video ni Kalingap Rab kung saan tampok ang si Donya Damiana ang umabot na sa isang milyong views.
Sanhi ng biglang paimbulog ng mga video nina Kuya Val at Kalingap Rab kung saan tampok ang minsang masungit, mabait, makata, palasigaw, o palatawang lola, dumami rin ang tulong na natatanggap ng matanda. May mga vlogger na rin ang bumisita sa kanya upang magbigay ng tulong. Walang kaso sa mag-amang vlogger ang ginagawang pagbisita at pagtulong ng ibang nakikisawsaw sa popularidad ni Donya Damiana. Ang ikihihimutok lang ni Kuya Val ay ang tahasang paggamit ng kanilang mga video sa channel ng mga mapagsamantalang YouTube creators. Wala sanang kaso kung humingi muna sila ng permiso sa mag-ama o pahapyaw lang ang mga video clips, o kaya ay ito ay reaction video lang. Ang kaso, may mga vlogger na buong-buo pa mismong video ang ipinalalabas sa kanilang channel.
Nai-report na ni Kuya Val at ng kanyang mga supporters ang ginagawang mga illegal actvities ng ilang YouTube vloggers. Inaasahan nilang mabibigyan ng karampatang parusa ng YouTube ang mga lumabag sa kanilang Terms and Conditions, lalo na yaong sangkot ang copyright issue. Dahil sa isyung ito, naging mapagmanman ang mga supporters ng mag-ama at dagling inire-report ang sinumang vlogger na gumagamit ng buo ng kanilang mga video.
Sa ngayon ay lalo pang dumarami ang mga subscribers at donors nina Val Santos Matubang at Kalingap Rab dahil sa walang sawa nilang pagtulong sa mga senior citizens at mga pamilyang sadyang naghihirap. Bugso ng kanilang pagsikat, sa palagay ko ay uulanin din sila ng mga puna, intriga, at batikos mula sa mga taong naiinggit at walang magawa sa buhay. Sana naman ay maging handa at matatag sa mga bashers na ito sina Kuya Val at Kalingap Rab.
Doon sa mga YouTube vloggers na nangongopya nang buong-buo sa mga trending at popular video, tumigil na kayo dahil mas maraming problema ang kahaharapin ninyo kaysa biyaya. May kasabihan nga tayo na "Ang taong naghahangad ng kagitna, isang salop ang nawawala."