Ang edukasyon ay isang prosesong nagpapadali ng pagkatuto o ang pagkakaroon ng kaalaman, kasanayan, at magandang pag-uugali. Sa depinisyong ito, hindi lamang dapat maging matalino at mahusay ang isang nilalang. Dapat din siyang magkaroon ng magandang loob upang masabing siya ay edukadong tao. Sa puntong ito, bakit pinipilit ng mga magulang na magkaroon ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak? Ano ba ang kontribution ng edukasyon sa pamayanan?
Malaki ang ginagampanang papel ng
pagkakaroon ng magandang edukasyon ng mga mamamayan sa isang komunidad sa
pag-unlad nito. Kapag ang mamamayan ay may sapat na kaalaman at kasanayan upang
makalikha ng produkto o makapagbigay ng serbisyo, ito ay nangangahulugan ng mabilis
na paglago ng ekonomiya ng isang bayan. Ang kaalaman at kasanayan ng isang
nilalang ay napakahalaga lalo na at napakabilis ng pag-unlad ng teknolohiya.
Nararapat lamang na makaagabay ang mga mamamayan sa mabilis na pagsulong nito
upang makalikha ng makabagong produkto o proseso upang mapabilis ang produksyon
at mapabuti ang handog na serbisyo. Ang mga ito ay makakamit kung may sapat na
edukasyon ang naninirahan sa isang komunidad.
Ang edukasyon ay nagbibigay
kaalaman sa isang nilalang, bilang miyembro ng pamayanan, na makapili at
makilala ang isang lider na mamumuno sa kanya. Dahil marunong magbasa,
kumilatis ng propaganda sa katutohanan, at mabasa ang tunay na saloobin at
pagkatao ng isang kandidato sa pamamagitan ng kanyang pagsasalita,
pagpapahayag, at ikinikilos, makapipili ng mga karapatdapat na pinuno ang isang
mamamayan na may pinag-aralan. Makaiiwas
ang isang edukadong tao na manipulahin ng isang nagnanais na maging lider dahil
siya ay may sapat ng kaalaman sa pagsusuri ng isang tapat na pinuno.
Ang edukasyon ay nakatutulong din
upang maging mapagparaya o tolerant ang isang mamamayang naninirahan sa isang
bayan na iba’t iba ang pag-uugali at kultura ng mga tao. Dahil marunong umunawa
ang isang taong nakapag-aral, mauunawaan niya ang gawi o kilos ng isang kaibigan,
kapitbahay, o kaopisina. Pipiliin niya ang diplomasya kaysa init ng ulo sa
pagresolba ng hindi pagkakaunawaan. Kapag may alam o impormasyon ang isang tao
sa pag-uugali at ikinikilos ng mga nakapaligid sa kanya, matututunan niyang
tanggapin at unawain ang mga ito, tulad din ng pagtanggap at pang-unawang
ibinibigay ng mga ito sa kanyang kultura at pag-uugali.
Maliban sa pagkakaroon ng
pag-unlad, pagpili ng lider, at pag-iwas sa gulo, marami pang kontribusyon ang
edukasyon sa komunidad. Dagdag pa rito ang pagkaiwas sa pagmamanipula ng mga
pinuno o samahang naghahasik ng karahasan at kaalaman. Dahil sa edukasyon, may
sapat ng kaalaman at kasanayan ang isang nilalang upang masuri kung ang kanyang
nababasa at naririnig ay kabulaanan lamang o hindi. Isa pang kahalagahan ng
edukasyon ay ang pagbibigay nito ng pag-asa sa mga mamamayan. Dahil sa edukasyon,
naniniwala ang isang tao lalo na ang mga magulang na magdudulot ito ng maganda
at maunlad na buhay sa kanyang mga anak. Ang edukasyon ay isang pamanang hindi
makukuha ng ibang tao kaya nagsasakripisyo ang maraming magulang upang
ipagkaloob ito sa kanilang mga anak.
Ikaw, bilang isang mamamayang
Pilipino, ano ang kahalagahan ng edukasyon sa iyo? Paano ito makatutulong sa
pag-unlad ng iyong sarili at ng pamayanang iyong ginagalawan?