Sunday, July 9, 2017

Philippine Passport Renewal, Dusa Pa Rin

Sa ikatlong pagkakataon ng pagre-renew ng aking Philippine passport dito sa Saudi Arabia, dusa pa rin ang inabot ng inyong lingkod. Tila bagang sa loob ng 15 taon ay hindi nagbago ang kalakaran sa pagpapalit ng pasaporte kahit na nga iba-iba na ang namuno sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh. Dahil dito, sino nga ba ang dapat sisihin sa walang pagbabagong sistema?


Lampas ng apat na oras ang inabot ko sa pagpila at paghihintay bago natapos ang aking transaksyon noong ika-7 ng Hulyo, 2017, Biyernes, sa Double Tree Hotel sa Dhahran, Saudi Arabia sa pamamagitan ng Consular Outreach Mission o Embassy on Wheel (EOW) service ng Philippine Embassy sa Riyadh. Mapapaikli sana ang pagpila at paghihintay kung sinunod lamang ng mga kawani ng embahada at mga volunteers ang pagpapatupad ng mga alituntunin at polisiya sa pagre-renew ng Philippine passport.

PHILIPPINE PASSPORT APPOINTMENT SYSTEM

Sa pagkuha palang ng appointment o tipanan sa araw at oras ng pagpapalit ng pasaporte ay tila bagang may anomalya nang nagaganap. Hantarang hindi nasusunod ang appointment system na ito. Ayon sa Philippine Embassy sa Riyadh na nakapaskel sa kanilang webpurok, ang pagpapalabas ng slots o mga puwang kung saan maaaring makapili ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) ng araw at oras ng appoinment, ay kalimitang ISANG LINGGO bago ang takdang EOW.

Dahil sa patakarang nabanggit, ang inyong lingkod at kasamahan sa trabaho ay minu-minutong nakatutok sa website ng Philippine Embassy mula ika-1 ng Hulyo, 2017 upang bantayan ang paglabas ng mga slots na ito. Papalit-palit kami sa pagmo-monitor at pagtutok dahil apat kaming manggagawa ang kukuha ng appointment.

Lumipas ang 2 araw subali't wala pa ring lumalabas ng mga slots. Nong ika-3 ng Hulyo, 2017 ay napilitan nang mag-email ang inyong lingkod sa embahada upang malaman kung kailan ba lalabas ang mga slots na itong alam kung daan-dan ding kapawa OFW ang naghihintay. Sumagot naman ang embahada at sinabing mga 5 araw bago ito lumabas at mag-log on ng 8:30 ng umaga o ala-una ng hapon pataas bilang tip.

May lumabas naman ng araw na iyon (July3, 2017) pero taliwas sa aking inaasahan. Sa halip na makapamili ng araw at oras ay tila papatak-patak ng ulan ang paglabas ng slot na dapat mong dakmain oras na lumabas. Sa kabutihan palad at dahil na rin sa wala nang ginawa ang may-akda at ang kanyang kasama sa trabaho kundi tumutok sa scheduler, nakakuha naman kami ng appointment.
Hindi na naming magawa ikuha pa ng schedule ang 2 pa naming katrabaho dahil wala nang lumalabas. Sa aking tantya, simula ika-3 hanggang ika-6 ng Hulyo, 2017 wala pang 10 ang lumabas na slots para sa appointment. 'Anyare?


Sa pagkakaalam ko, nasa 500 Filipino isang araw ang siniserbisyuhan ng Philippine Embassy tuwing magkakaroon sila ng Consular Outreach Mission o Embassy on Wheel. Bakit napuno agad ang mga slots para sa appointment? Naduling ba kami ng kasamahan ko sa pagtutok? Misteryo talaga ang nangyari.

EXEMPTIONS TO PASSPORT APPOINTMENT SYSTEM

May anim na kategoryang pinapayagan na hindi na kailangan pa ang tipanan sa pagpapalit ng pasaporte. Ito ay ang mga sumusunod:

Kung ang kukuha ng bago o magre-renew ng passport ay:

1. Mayroon ng Final Exit Visa o mag-a-apply nito;

2. Bagong panganak na sanggol o yaong wala pang isang taong gulang na bata;

3. May idad na 60 pataas;

4. May mga kapansanan;

5. Mga buntis na may hawak ng medical certificate; at

6. Mga nawalan ng pasaporte at nangangailangan ng kapalit.

Malinaw na malinaw ang patakarang nabanggit.  Nasunod kaya ito?


WALK-INS

Ayon sa paskel sa website ng Philippine Embassy sa Riyadh, HINDI PINAHIHINTULUTAN ang mga walk-ins o yaong mga nagbabaka-sakaling makakuha ng serbisyo sa EOW.

Nang kami ay dumating sa venue ng mag-aalas-diyes ng umaga noong ika-7 ng Hulyo, 2017 sa Double Tree Hotel sa Dhahran, napansin kong mas mahaba pa ang pila ng mga walk-ins kaysa pila ng mga may appointment confirmation. Tulad ng namin, sila ay nakabilad din sa araw sa labas ng otel.

Kung hindi pinahihintulutan ang mga walk-ins, bakit hindi sila pinapaalis ng mga kawani ng embahada at/o ng mga volunteers? Bakit sila nagtitiyaga sa init ng araw nang mahabang oras?

KAYA PALA

Sa aming pagtatanong sa iba pang aplikante na magre-renew at ganoon din sa mga nagbabaka-sakali, napagdudgtong-dugtong namin kung bakit kakaunti ang lumalabas ng mga slots sa scheduler ng Philippine Embassy sa Riyadh. Ayon na rin sa nakakuha ng mga appointment confirmations, hindi sila sa webpurok ng emabahada nakakuha ng slots. Sila ay nabigyan ng appointment dahil nag-walk-ins sila noong nakaraang Embassy on Wheel sa Jubail, Saudi Arabia. Sinabi nilang ito rin ang kalakaran noon pa man. Sinusulat ng mga kawani at/o volunteers ang mga pangalan ng mga walk-ins na hindi naserbisyuhan ng mga nakaraang EOW at inilalagay sila sa mga slots sa mga susunod na EOW. Kaya naman pala, ubos na ang slots kapag dumating na ang araw na itinakda ng embahada.

An'yare? Bakit ito pinapayagan ng embahada?

Ito ay taliwas sa kanilang alituntunin. Ito ay unfair o hindi patas sa mga OFW na parang engot sa pag-aabang ng mga slots isang linggo bago ang itinakdang araw ng EOW. Bakit mag-o-online appointment pa kung ubos na ang slots sa mga walk-ins na sinasabi nilang bawal? Hindi naman kasalanan ng mga kawani/volunteers kung mabilad sila sa araw. Hindi naman sila pinapupunta roon.


Kung ganito ang magiging kalakaran sa mga susunod na EOW, dapat lang na alisin na ang online appointment system dahil hindi naman sinusunod ng embahada ang kanilang abiso. Sasabihing lalabas ang scheduler isang linggo bago ang itinakdang EOW at pagkatapos ay puno na pala dahil sa mga walk-ins noong nakaraang EOW at kasama na rin ang mga pangalan ng mga kaibigan at kamag-anak ng mga kawani ng embahada at mga volunteers. Napaka-unfair naman nito!

PHILIPPINE PASSPORT APPOINTMENT TIME

Isa pang dahilan ng mahigit na apat na oras na pagpila at paghihintay sa pagre-renew ng passport ko ay sa kadahilanang HINDI SINUNOD ng mga kawani at/o volunteers ang ORAS ng inyong appoinment.

Sa halip na papasukin lamang yaong nasa takdang oras ng tipanan, halimbawa kung alas-otso hanggang alas-nueve ang umaga ang iyong appointment, at alas-otso na, nararapat lamang na kayo lamang ang papapasukin sa loob ng otel.

Hindi ganoon ang nangyari, sa halip, naging FIRST COME-FIRST SERVE ang naging batayan nang pagpasok. Kaya, kesehodang alas-kuwatro pa ang hapon ang appointment mo at nauna kang pumila, UNA kang papasukin. Kaya yaong mga may tipanan ng alas-otso ng umaga at dumating naman ng nasa oras ay hindi makakapasok kaagad kahit na nga ala-otso ng umaga ang oras.

Ito ay isang kapalpakan kung sino man ang nagpatupad ng sistemang ito.

Bakit ka pa kukuha ng takdang oras kung hindi naman nasusunod? Bakit natin uunawain yaong mga may apppointment sa hapon na pumila sa umaga? Bakit natin sila papasukin ng mas maaga kaysa doon sa mga taong dumating naman sa oras? 

Ang sistemang nabanggit ang isa sa mga dahilan kung bakit tumatagal ang pagpila at paghihintay para lamang mapalitan ang iyong lumang pasaporte.

OVERSEAS ABSENTEE VOTING REGISTRATION

Kahit maganda nag layunin ng pagpaparehistro para sa Overseas Absentee Voting (OAV) kasabay ng pagre-renew ng passport, isa rin ito sa nagpapatagal sa sistema.

Bakit hindi na lamang gawing boluntaryo ang pagpaparehistro? Maaari rin itong gawin matapos makapagbayad ang mga aplikante. Sinabi nga ng aking kasamahan na maaaring maging daan sa dayaan ang pagpaparehistrong ito dahil hindi naman sigurado ang isang OFW kung nasa Saudi Arabia pa siya sa oras ng halalan. Baka kasi magamit ang kanyang rehistro sa pagboto gayong wala na naman siya.

Mapapabilis sana kung ginamit ang mga makina at encoder ng OAV para sa pagre-renew ng pasaporte dahil iyon naman talaga ang pangunahing sadya ng mga OFW.


MGA OBSERBASYON

Encoding

Sa pagmamasid, natantya ko na umaabot lamang tatlo hanggang limang minuto ang aktuwal na pag-e-encode para matapos ang pagpapalit ng pasaporte. May apat na encoder noong ika-7 ng Hulyo, 2017. Sabihin na lang natin ng apat na minuto para makatapos, nangahulugan na ang isang encoder ay makakatapos ng 15 aplikante sa loob ng isang oras ( 60 minutes/4 minutes). Ang apat na encoder ay makakatapos ng 60 na katao. Kung magseserbisyo mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon ang mga encoder, makakatapos sila ng 540 aplikante ( 60 x 9 hours). Alisin nating lunch break at gawin na lang itong 500 applicants.

Appointment Time

Kung susundin ng mga kawani at volunteers ang oras na itinakda para sa mga aplikante, dapat lamang na hindi sila abutin ng mahigit sa isa at kalahating oras sa pagpila at paghihintay kung 60 lamang sa bawa't oras ang itatakdang bilang ng aplikante.

Magagawa ito kung papipilahin lamang yaong nasa takdang oras ang appointment. Halimbawa, kung alas-otso hanggang alas-nueve ng umaga ang appointment mo, ikaw lang ang may karapatang pumila at makapasok. Kahit nasa una ka pa ng pila at alas-diyes pa ang appointment mo, hindi ka dapat pinapasok kung als-otso pa lang ng umaga. Kung lumampas man ng alas-nueve at alas-otso ang appointment, may karapatan ka pa rin na agad papasukin dahil may dahilan kung bakit ka nahuli sa appointment.

Kapag sinunod ito, maiiwasan ang maagang pagpila at mahabang paghihintay ng mga aplikante lalo na at napakainit ng panahon.

Overseas Absentee Voting

Nakabagal rin sa pagre-renew ng pasaporte ang kakulangan ng kopya ng pasaporte para sa OAV samantalang nakasaad naman sa abiso na Original o photocopy of passport. Kahit dala mo na ang original passport mo o Iqama, kailangan pa rin ang kopya. Kaya hayon, nagkaroon ng instant hanap-buhay ang nagpapa-photocopy.

Mga Sumisingit

Tulad nang mga nauna kong aplikasyon, mapapansin din ang mga sumisingit na bitbit ng mga kawani at/o boluntaryo. Ewan ba kung bakit hindi ito maalis-alis sa sistema. Nakakainsulto ito at nakakabuwisit  sa mga taong matagal na nabilad sa init ng araw at haba ng paghihintay. Kung hindi maiiwasan, maaari bang bigyan na lang sila ng takdang oras? Halimbawa, kapag tapos na ang regular na serbisyo, yong wala ng mga OFW na nakakakita.


MGA REKOMENDASYON

Upang mapabilis ang pagre-renew ng pasaporte, narito ang ilan sa aking mga panukala:

1. Huwag bigyan ng mga appointment ang mga walk-ins at nagbabaka-sakali.

2. Lahat dapat ay sa online kumuha ng appointment.

3. Itakda ang petsa, araw at oras kung kailan lalabas ang lahat ng slots para sa appointment para yaong nagtatrabaho sa labas ng opisina ay makakuha ng slot kung alam nila ang petsa at oras ng paglabas ng scheduler.

4. Papilahin at papasukin lamang ang mga aplikante ayon sa oras ng kanilang tipanan upang mabawasan ang paghihintay.

5. Humanap ng lugar/venue kung saan nasisilungan kaagad ang mga aplikante at hindi nakabilad sa araw.

6. Bigyan ng takdang araw at/o oras ang mga kaibigan at kamag-anak ng mga kawani ng embahada at volunteers.

7. Bigyan ng isang linya ang mga babae at yaong mga exempted sa appointment.

8. Gawin sa una o huling bahagi ang Overseas Absentee Voting registration at gawin itong boluntaryo. Gamitin ang ilang encoder nito para sa passport renewal.


9. Kunin ang serbisyo ng mga courier (DHL, UPS, ARAMEX, FEDEX) sa pagpapadala/pagkuha ng mga renewed/new passport ng mga aplikante. Gawin itong boluntaryo.


RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...