Thursday, June 23, 2011

UUWI NA SI TATANG










KUNG MAY impiyerno sa lupa, masasabi ni Tatang na ang lugar na kinasadlakan niya ngayon ang lugar na iyon. Matapos ang dalawang araw na pahinga, nalaman niya kung bakit walang ngumingiti sa datihang trabahador na  dinatnan nila. Animo'y bilanggo sila sa lugar na iyon. Crusher plant ang kanilang pinagtatrabahuhang ewan niya kung saang lupalop matatagpuan. Ang paroo't parineng sasakyan ay mga dump trucks na humahakot ng mga tinipak na bato o tinatawag na gravel o aggregate sa wikang Ingles na may iba't ibang sukat. Pero ang mga ito ay nakikita lamang nila sa kalayuan. Napag-alaman din ni Tatang na ang pinagtatrabahuhan ay hindi mismong sponsor nila kundi ipinasa lang sila bilang mga rental workers. Limang buwan din atrasado ang suweldo ng mga trabahador at kinakaltasan pa ang kanilang mga overtime. Dahil dito, ipinasya ni Tatang at iba pang kasamahan ang tumakas.


ANG PAGTAKAS sa lugar na iyon ay naganap dalawang buwan matapos nilang dumating. Kasama si Ambo at apat na kasamahan, isa-isa silang lumusot sa bakod sa kalaliman ng gabi. Dala ang pagkain at ilang galong tubig, tinahak ng anim ang malawak na disyerto sa kadiliman ng gabi. Nguni't ang pagtakas ay hindi naging madali. Hindi nila alam kung saan direksyon sila patungo. Hindi nila nakita ang daang tinatahak ng mga dump trucks na pumapasok at lumalabas ng kanilang planta. Ubos na ang kanilang baong tubig at pagkain nang makita nila ang landas na iyon. Nguni't wala na silang lakas na magpatuloy pa. Nagisnan na lang nila ang kanilang mga sarili sa isang madilim na kuwarto sa loob mismo ng crusher plant.


SA ARAW-ARAW ng ginawa ng Diyos, walang ginawa si Tatang kundi mag-isip kung paano tatakasan ang kalagayan. Manhid na ang kanyang katawan sa pahirap na ginagawa sa kanya at iba pang kasamahan dahil sa pagtakas na ginawa. Binawasan ang kanilang rasyon ng pagkain at pinahaba ang kanilang oras sa pagtatrabaho. Kalaunan, tila nawalan na siya ng pag-asang makakaalis pa sa lugar na iyon.


Naibsan ang kaniyang awa sa sarili nang matanggap ang unang suweldo, limang buwan matapos umalis ng Pilipinas. Kulang sa napagkasunduan ang perang iyon nguni't wala na siyang nagawa. Pinagpasalamat na lang at nabayaran ang kaniyang pinagtrabahuhan. Dahil hindi nakakapunta ng kabayanan, naging problema kung paano maipapadala sa Pilipinas ang kakapirangot na salaping iyon. Ipinasya niyang itago at ipunin na lang ito. 


Nagbago ng istratihiya si Tatang kung paano tatakasan ang lugar na iyon. Naging masunurin siya. Kinaibigan ang mga nakatataas sa planta, maging mga guwardiya at mga driver ng mga truck. Ilang buwan din bago niya nakuha ang loob ng mga ito. Ewan niya kung saan nanggaling ang alak, niyaya siya isang gabi ng naging kaibigang Yemeni. Doon sila sa trak nito nag-inuman na may kalayuan din sa kanilang planta at kampo. Dinaya niya ang Yemeni. Palihim niyang itinatapon ang kanyang tagay. Malalim na ang gabi nang plastadong nakatulog ang kaibigan. Binuhat at ibinaba niya ito sa trak.


HINDI NIYA ALAM kung ilang oras na siyang nagbibiyahe pero hindi pa rin niya naaabot ang highway ng kabayanan. Baka naman mali ang kanyang direksyon? Baka sa halip na makalabas ay papasok siya lalo sa kalibliban ng disyerto. Ilang sandali pa ay may natatanaw na siyang mga ilaw, palatandaang nalalapit na siya sa highway. Nguni't sa kamalasang palad, huminto ang kanyang sasakyan. Ubos na ang gasolina!


Hindi siya pinanghinaan ng loob. Lakad-takbo ang kanyang ginawa upang marating ang highway. Pagsapit doon ay nagsisigaw siya sa katuwaan. Naghalo ang kanyang luha at sipon sa kagalakan. Kalahating oras siyang nakaupo sa tabi ng daan nang may humintong kotse sa kanyang harapan.


"Filibini?", tanong ng isang binatang Arabo.


Tumango siya. Ilang sandali pa ay lulan na siya ng magarang sasakyan. Huminto ito sa isang gasolinahan at sila ay kumain. Naubos niya ang pagkaing inorder. Nang nagpapatuloy na sila ng biyahe ay may inalok na tubig ang Arabo. Agad niya itong ininom.


NANANAKIT ang ibabang bahagi ng katawan ni Tatang nang magising. Mataas na ang sikat ng araw. Hindi niya halos maigalaw ang sarili. Nagulat siya nang makitang nakababa hanggang tuhod ang suot niyang pantalon kasama ang kanyang brief. Hindi pa man ay nahulaan na niya ang nangyari sa kanya, lalo na nang kapain niya ang kanyang puwerta. Mahapdi. May namumuong dugo. Nawawala rin ang kanyang pitaka. Napasigaw siya sa galit na nilamon lamang ng init ng paligid at katahimikan ng guhong gusaling pinagdalhan sa kanya.


Hindi niya mawari kung paano siya nakarating muli ng highway. Ang alam niya, sinundan niya ang bakas ng gulong ng isang sasakyan. Pero bago sumapit sa bukana ng highway ay nawalan na siya ng malay dahil sa gutom, pagod at pananakit ng katawan.


MAINGAY at nagkakasayahan ang lugar na kanyang namulatan. Iginala niya ang mga mata nguni't wala siyang makita sa payak na kuwartong iyon. Pinilit niyang bumangon at binuksan ang pinto. Nahinto sa kantahan ang mga taong mabungaran niya sa labas. Isa ang lumapit sa kanya.


"Okay ka na, kabayan?." bungad nito. Naramdaman ni Tatang na namasa ang kanyang mga mata.


Tulad niya ay biktima rin ng mapang-abusong amo ang anim na Pinoy na nakilala niya. Sa iba't ibang panig ng lugar nagbuhat ang mga ito. Naging magkagrupo nang minsang magkita sa isang parke sa kabayanan. Hinuhuli ng mga pulis ang mga natutulog sa parke kaya't isa-isang nagpulasan. Nagtagpo-tagpo sa isang madilim na lugar ang anim. Si Junjun ay 32 anyos, may asawa at 2 anak, taga-Laguna at apat na taon nang patago-tago. Si Mang Fermin ay 52, biyudo at may 3 anak, pitong taon ng TNT. Binata si Erwin, taga-Quezon. Taga-Davao naman si Ali, isang Muslim, binata pa sa gulang na 40. Treinta y siete naman si Mando, may isang anak nguni't walang asawa, taga-Malabon. Tulad niya ay binata at bata pa si Joey sa idad na 24. Taga-Baguio ito. Sa pagkukuwento ng mga ito ay nalaman niya kung bakit tumakas sila sa kanilang mga sponsor. Pinalitan ang kontrata, delay ang sahod, hindi binabayaran ang overtime, pangit at mabahong accommodation, hindi pinapagbakasyon at tangkang panghahalay sa kaso ni Joey.


Sa ilang araw na pagtigil niya roon ay alam na agad niya kung bakit pinagtangkaang gahasain ng amo si Joey. Magandang lalaki ito, maputi, makinis, walang bigote at may kalamyaan ang boses at kilos. Ilang linggo at nakumpirma niya ang hinala sa katauhan nito. Dahil sa pangungulila at init ng katawan, hinayaan niya si Joey na gawin sa kanya ang magpapaligaya rito isang gabing tulog na ang mga kasamahan.


Upang mabuhay at magkapera, isinama siya ng anim sa raket nitong pagtatanim ng gulay sa isang gulayang pag-aari ng isang mabait na Arabo. Noong una'y bantulot siya dahil nagka-phobia na siya sa nangyari sa kanya. Lihim na hindi niya ibinunyag kahit kay Joey. Nguni't nang makita niyang matanda na ang Arabo ay pumayag na rin siya.


Isa pang raket nila ang pamumulot ng mga lata ng softdrinks sa kabayanan. Ibinibenta nila ito sa halagang 4 na riyals kada kilo. Iniipon nila ito sa loob ng isang buwan at pinaghahatian ang pinagbebentahan. Ito ang kanilang pinadadala sa kanilang mga mahal sa buhay. Masayang-masaya si Tatang nang makapagpadala ng 1,000 riyals sa kanyang mga magulang. Sa loob ng pitong buwan ng kanyang pag-alis, ngayon palang siya nakapagpadala ng pera. Nagpagaan ito sa hirap ng loob at katawan na kanyang nararamdaman.


Masasabing okay na sana ang kalagayan nila pansamantala kung hindi nagkahulihan noong isang linggo. Nahuli sina Junjun, Ali at Mang Fermin nang biglang masakote ng mga pulis habang namumulot ng mga lata. Wala na silang nabalitaan sa mga ito. Ayos na rin ang pagtatanim nila ng gulay sa matandang Arabo nguni't nang mamatay ito pagkalipas ng apat na buwan at mapalitan ng anak ay pinaalis na sila. Ayaw masangkot sa gulo ang bagong may-ari. Malaking multa kapag nalaman ng otoridad na may nagtatrabaho roon na walang mga dokumento. Dahil dito, nagkahiwahiwalay ang grupo. Magkasama sina Mando at Erwin at sila naman ni Joey ang magkasama.


GUSTONG-GUSTO na niyang sumuko. Apat na taon na siyang nagpapakabusabos sa lupaing iyon. Naging madalang ang pagpapadala niya ng pera sa mga magulang magmula nang magkahulihan at mapaalis sila sa taniman ng gulay. Kung anu-anong raket ang ginawa nila ni Joey. Naroong dumayo sa dalampasigan upang maghuli ng tilapia at  alimasag o manguha ng halaan at pagkatapos ay ibenta sa mga kapwa Pilipino. Naroong manghingi sila ng pagkain sa mga naging kaibigang kababayan. Inalok na silang dalawa na bibigyan ng tiket pauwi ng isang grupo subali't tumanggi sila. Ayaw nilang umuwing bigo. Napag-alaman pa niya sa Pilipinas na nailit na ang kanilang lupang sakahan dahil hindi sila makabayad sa oras. Lalong tumindi ang galit ni Tatang sa ahensiyang nagpadala sa kanya dito at sa kompanyang binagsakan.


SA ISANG LUGAR na malapit sa kabundukan inakala niyang susuwertihin na  sila ni Joey. Ipinasok sila ng naging kaibigang Pinoy na maging tagahugas ng plato sa restaurant na pinagtatrabahuhan. Ayos na sana ang kalagayan nila roon subali't makalipas ang tatlong buwang pagtatrabaho ay hinihingan na sila ng tong ng Pinoy. Kung hindi sila magbibigay ay isusuplong sila sa mga maykapangyarihan. Pinalampas ni Tatang ang panggigipit na iyon. Subali't nang mahuli niyang pinagnanakawan pa sila nito ay nagtimping umalis na lamang nang walang paalam.


Muli ay naging laman sila ng mga basurahan at dumpsite. Dahil sa walang mga dokumento ay hindi sila makakuha nang matinong trabaho. Paekstra-ekstra lang upang magkalaman ang sikmura at  makapagpadala ng konting salapi sa mga mahal sa buhay. Nagtataka na nga ang kanyang Amang at Inang. Sampung taon na raw ay hindi pa siya umuuwi. Nagdahilan siya at nagpasiya kalaunan na ihihinto muna ang pakikipag-usap sa mga ito maliban ang pagpapadala ng konting pera.


Ang balak niya noon na isuplong sa mga pulis ang kompanyang pinagtatrabahuhan ay hindi na niya nagawa. Unang-una ay hindi niya maituturo kung saan ang lugar na iyon. Ni hindi nga niya alam kung ano ang pangalan ng kompanyang iyon. Nang minsang pumunta siya sa tanggapan ng POLO, sinisi pa siya ng mga tauhan doon. Bakit daw siya tumakas? Mahihirapan daw ang mga itong mapauwi siya sa Pilipinas. Ang pag-uwi sa Pilipinas nang walang-wala ay kinatakutan niya. Hindi na siya bumalik pa sa POLO. Sinisisi pa nga niya ang mga tauhan ng POLO sa nangyari sa kanya. Kung ginawa lang ng mga ito nang mabuti ang kanilang mga trabaho ay disin sana'y hindi sila nalagak sa isang kumpanyang hindi maganda ang trato sa mga manggagawa. Bakit hindi nagsiyasat nang husto ang POLO para kilatisin ang mga kumpanyang nangangalap ng trabahador sa Pilipinas bago nila ito bniigyan ng permiso? Ang nangyayaro kasi, sapat nang makita ng mga taga-POLO na may tatak ng Chamber of Commerce & Industry ang isang papeles ay inaaprubahan na nila ito. Ni hindi man lang tinatawagan o pinupuntahan ang lokasyon ng mga kumpanyang ito. Hindi sapat ang kanilang ginagawa upang mangalagaan ang mga OFW.


Sa mga oras, araw, buwan at taong nababalot siya ng lungkot, pighati, sakit at problema ay naroon si Joey na umaalalay sa kanya. Alam niyang mali ang kanilang relasyon. Subali't iyon lamang ang kaya niyang itumbas kay Joey sa mga pagdamay at pagkalinga nito sa kanya. Pagdamay na hindi nagtagal. Nagkasakit si Joey at kailangang maipagamot. Sa tulong ng isang kaibigang Pinoy ay nadala ito sa ospital. Gumaling naman ito subali't sa deportation bureau napunta nang makalabas ng ospital. Nabalitaan na lamang niyang nakabalik na ito ng Pilipinas. Kung ilang araw niyang iniyakan ang pangyayaring iyon. Gusto na niyang sumuko. Magpahuli na rin upang makasama si Joey at mga mahal sa buhay. Nguni't nanaig pa rin ang kanyang hangaring may mabago sa kanyang pagbabalik.




HINDI NIYA namalayan na humihina na ang kanyang katawan. Pumuputi na ang kanyang buhok. Lumalabo ang mga mata. Mag-aapatnapung taon na siya sa lupain ng mga kamel. Mga taong puno ng pakikipagsapalaran at pagdurusa. Hindi siya sumuko sa hamon ng buhay kahit na nga nabalitaan niyang namatay na ang mga magulang. Ang nagpaligaya lang sa kanya ay ang pangyayaring nakabili na sila muli ng bagong lupang sasakahin, nakapagpatayo ng malaking bahay at napag-aral ang mga kapatid. Nagkaasawa na rin ang mga ito at may ilan ng mga anak. Ito ay bunga ng kanyang pagpupunyagi. Hindi niya inalintana ang gutom at hirap sa pagtatrabaho. Balewala sa kanya ang init at lamig ng panahon. Ayos lang na gumaspang ang kanyang mga palad sa paghuhukay ng lupa, mapasma sa paghuhugas ng sangkaterbang plato  at manakit ang likod sa pagbubuhat ng kung anu-ano, makapagpadala lang ng konting riyal. Sinusuwerte lang siya kapag nagpapagawa sa kanya ng mga sasakyan ang mga naging kaibigang Pinoy kahit na nga nanganganib din ang mga itong makasauhan.


Wala na siyang nararamdamang hapdi, kirot at hiya kung may gumagamit sa kanyang katawan kapalit ang ilang pirasong salapi Titiisin niya ang lahat ng pasakit at sama ng loob maiahon lang sa hirap ang mga mahal sa buhay na iniwan.  Hindi na baleng hindi niya maabot ang kanyang mga pangarap basta't maabot ng mga ito ang bituing pinapangarap. Sa lahat ng ito ay may nag-iisang konsolasyon sa kanya. Patuloy na naghihintay sa kanya si Joey at nagmamahal. Ito ang nagpatuloy ng mga bagay na hindi niya nagawa sa kanyang pamilya. Sa kanila tumira si Joey nang mapauwi sa Pilipinas at patuloy na naghihintay sa kanyang pagbabalik.


UUWI NA SI TATANG. Babalik na siya sa lupang sinilangan. Maraming nabago at pagbabago sa kanyang buhay. Naging laman ng diyaryo, radyo, telebisyon at internet ang kanyang naging kapalaran sa Gitnang Silangan. Maraming ahensiya ng pamahalaan ang tumugon. May mga batas na ipinasa ang Kamara at Senado. Maraming tulong ang ipinangako ng Pangulo para sa mga OFW na tulad niya. Binalasa ang mga embahada at konsulado  ng Pilipinas sa iba't ibang panig ng mundo na tutugon sa mga problema ng mga manggagawang Pilipino sa ibayong-dagat.


Alam ni Tatang na sa kanyang pagbabalik ay marami pang pagbabagong magaganap. Masarap sanang damahin kung maimumulat lang niya ang mga mata at maikikilos ang katawan sa kahong kanyang kinahihigaan ngayon.


Kung nagustuhan mo ang iyong nabasa, pakiboto dito. Paki-click ang nominee no. 8 dito:
http://www.pinoyblogawards.com/2008/12/let-countdown-begins.html

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...