Napanood ko sa internet ang June 18 replay episode ng Talentadong Pinoy ng TV 5. Host ng nasabing programa ang kabiyak ni Judy Ann Santos na si Ryan Agoncillo. Ang palabas ay isang talent show ng mga Pinoy na nagpapamalas ng iba't ibang uri ng talento sa pagsasayaw, pagkanta, pagmamagic at kung anu-ano pa. Hurado ng araw na iyon sina Bayani Agbayani, Tuesday Vargas, Congresswoman Lucy Torres -Gomez at Direktor Joey Javier Reyes. Ang kanilang puntos ay ikatlo ( 1/3) sa kabuuang puntos ng mga kalahok. Ang 2/3 ay manggagaling sa panel ng hurado na kinabibilangan ng mga personaheng nanggaling sa iba't ibang antas ng lipunan. Ang show ay ipinapalabas tuwing 8:30 - 10:00 PM tuwing Sabado at 7:30 - 9:00 PM kung Linggo.
Ang nagwagi ng gabing iyon ay ang Dancing is Fun, isang grupo ng mga kabataang mananayaw. Ito ang kanilang ika-limang panalo. Tunghayan ang kanilang perfromance dito:
Ang ikinagusto ko sa palabas na ito ay dahil konsepto ito ng mga Pinoy kahit na nga ba mayroon na rin ganitong uri ng mga palabas. Hindi kasi ito de-kahon at galing sa Kanluran tulad ng mga palabas ng Big Brother, Got Talent, The Price is Right, The Biggest Loser, You Think You Can Dance, etc. Dahil kasi sa mga syndicated na mga palabas na ito, nahihinto ang malikhaing pag-iisip ng mga Pinoy na makabuo ng mga bagong programa. Talamak na kasi sa daigdig ng telebisyon ang mga palabas na buhat sa ibang bansa o kinopya sa ibang bansa. Kokonti na ang may tatak-Pinoy talaga. Kaya rito, saludo ako sa namamahala ng TV 5. Sana'y gumawa pa sila ng mga ganitong programa nang sa gayon ay makaagapay sila sa mga dambuhalang istasyon ng telebisyon tulad ng ABS-CBN at GMA.