Nagbitiw na sa kanyang puwesto sa Kamara si Congressman Ronald Singson bago pa mapagbatehan ang panukalang i-expel siya sa Mababang Kapulungan dahil sa kasong drug trafficking sa Hong Kong. Ang mismong ama niyang si Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang nagbigay kay House Speaker Sonny Belmonte ng sulat ng pagbibitiw. Sa sulat, pinasalamatan ng batang Singson ang mga mambabatas. Gayunpaman, binatikos din nito ang ibang kasamahan na nagsusulong upang siya ay mapatalsik.
Sa aking palagay, nararapat lamang na magbitiw si Cong. Ronald Singson dahil isang kahihiyan sa Kamara de Representante ang kanyang kinasangkutan. Isang mantsa itong kukulapol sa magandang (?) imahe ng Mababang Kapulungan. Ang ginawa ni Singson ay isang babala at halimbawa sa iba pang may di-magandang ugali at life style. At sana'y maging aral na rin ito kay Ronald.