Tulad ng pagkandidato ng "Pambansang Kamao" na si Senator Manny "Pacman" sa pagka-Pangulo ng Pilipinas sa Halalan 2022, tiyak na nagtaasan na naman ang mga kilay ng mga nagmamarunong-marunongan sa larangan ng lipunan at politika, gayundin ang mga dalubhasa sa karunungan dahil sa pagdeklara bilang kandidato sa pagka-Pangulo ng Pilipinas ni Francisco Moreno Domagoso o mas lalong kilala bilang Yorme Isko Moreno ng Maynila.
Bakit 'kanyo?
Paano, tulad ni Pacman, hindi kumbinsido ang ilan nating kababayan na hindi angkop ang isang taong galing sa hirap at kapos sa mga titulo ng edukasyon ang maaaring mamuno sa isang bansa tulad ng Pilipinas. Kaisipan ito na sintanda na rin ng kakitiran ng kanilang pag-iisip.
Sa ibang bansa, hindi mahalaga kung ano ang estado mo sa buhay o ano ang iyong pinag-aralan. Ang mahalaga ay ang tapat mong hangarin na matulungan ang mga kababayan at maihango sila sa hirap ng buhay. Dito kasi sa Pilipinas, pinapalagay na hindi ka p'wedeng mamuno ng isang lugar kung hindi ka abogado, may malawak na lupain at maraming kayamanan, sikat, at maimpluwensya kang tao. Ito ang mga kaisipan kung bakit hanggang ngayon, sa kabila ng maraming politiko ang mataas ang pinag-aaralan at karunungan, ay nanatiling lugmok sa kahirapan ang marami nating kababayan. Isa lang naman ang dahilan, ang hangarin ng marami sa mga kumakandidato sa puwesto ay ang manalo at hindi ang magserbisyo sa bayan. Marami sa kanila ang lakas at impluwensya lang ang nais. Ang pagtulong ay panandalian lamang gayong kaban naman ng bayan ang kanilang tinutustos. Ang siste, pati ang pera ni Juan ay gusto pa rin nilang kotongan.
Sino nga ba si Isko Moreno?
Si Yorme ay ang kasalukuyang meyor ng Maynila, ang isa sa pinakamayayamang siyudad sa Pilipinas. Nagsimula siyang magsilbi bilang punong-lungsod noong 2019. Naging konsehal siya ng Maynila mula 1998 hanggang 2007, at naging vice mayor mula 2007 hanggang 2016. Nagsilbi rin siya bilang Chairman ng North Luzon Railways Corporation mula July 2017 hanggang October 2017, at Undersecretary ng Department of Social Welfare and Development for Luzon Affairs mula May 2018 hanggang October 2018.
Si Francisco Moreno Domagoso ay nakilala nang siya ay maging matinee idol sa That's Entertainment ni German Moreno, matapos siyang madiskubre ni Wowie Roxas sa isang lamayan sa Tondo. Sumikat si Isko noong 1993 nang siya ay mapabilang sa isang pelikulang romantiko na may pamagat na May Minamahal. Pagkatapos ng isang taon, sinundan ito ng Muntik na Kitang Minahal bilang leading man ni Claudine Barretto.
Lumaking mahirap si Yorme. Nag-iisa siyang anak nina Joaquin Copias Domagoso (1930–1995) (isang stevedore mula sa Antique sa Manila's North Harbor) at Rosario Moreno (1946–2020) mula Allen, Northern Samar. Sa gulang na 10, nakakita siya ng mga alternatibong mapagkukunan ng salapi sa pamamagitan ng pagtutulak ng isang kariton at pagpunta sa bahay-bahay upang mangalap ng mga lumang pahayagan at mga bote, pagkatapos ay ibenta ulit ito sa isang junkshop. Diumano, siya rin ay naghahalungkat sa mga basurahan ng restawran para sa mga natirang pagkain, na kung saan ay muling iluluto ng kanyang ina para sa hapunan.
Noong dekada 90, lumabas din si Isko sa mga pelikulang nakakikiliti ng imahinasyon at itinuring din bilang isang bold star. (Dahil nasa ibang bansa ako ng mga panahong ito, ni isa ay wala akong napanood na pelikula niyang bold kaya hindi ko masasabi kung magaling ba siya rito o malaswa). Ilan sa kanyang nilabasan ay ang Siya'y Nagdadalaga, Exploitation, Mga Babae sa Isla Azul at Misteryosa.
Si Isko ay nag-aral ng crash course sa Local Legislation and Local Finance sa University of the Philippines Diliman. Pagkatapos ay pinag-aralan din niya ang Public Administration sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (Unibersidad ng Lungsod ng Maynila) habang tinutupad ang kanyang tungkulin bilang konsehal. Nag-aral din siya ng mga maikling kurso sa pamumuno at pamamahala sa John F. Kennedy School of Government sa Harvard University, at sa Said Business School, University of Oxford. Nag-aral din siya ng abogasya sa Arellano University, nguni't hindi ito natapos nang mahalal siyang Vice Mayor ng Manila.
Kahit may pinag-aralan naman si Isko Moreno, tiyak na ang mga "baho" na naman niya ang ipaglalandakan ng mga campaign managers ng kanyang mga katunggali. Tiyak na unang-una na rito ang kanyang pagiging "bold star". Nakalulungkot lang na hanggang ngayon ay puro putik lang ang tirada ng mga kalabang politiko sa isang kandidato. Bakit hindi ang kanilang magandang adhikain sa bayan ang kanilang ungkatin? Bakit hindi nila ilatag ang kanilang nagawa at ihayag ang kanilang mga gagawin pa sa ikakauunlad ng mamamayan at bansa? Bakit puro "baho" ang kanilang nais ilantad sa publiko? Dahil puro "putik" at "baho" ang puntirya ng isang politiko sa kanyang makakalaban sa isang posisyon sa pamahalaan, ang politika sa Pilipinas ay nanatiling "marumi".
Katandem ni Isko Moreno bilang kandidato sa pagka-Pangalawang Pangulo si Dr. Willie Ong. Ibinoto ko bilang senador noong 2019 si Dr. Willie subali't siya ay natalo kahit na siya ang pangalawa sa mga botanteng OFW. May kinalaman kaya ang mga PCOS machines dito?
Kapwa may kakayahan at talino sina Moreno at Ong upang pamunuan ang Pilipinas subali't sa aking palagay, hindi pa handa ang sambayanang Pilipino na sila ang piliin dahil sa ngayon may mga kandidato sa pagka-Pangulo at Pangalawang Pangulo ang mas karapatdapat sa paningin ng mga Pinoy. Sa aking palagay, hindi sapat ang 16M followers ni Dr. Ong para hirangin siyang Vice President. Hindi pa rin sapat ang mga nagawa ni Yorme sa Maynila upang ihalal siya bilang Presidente ng Pilipinas sa 2022.
Sa aking palagay, kahit na nagsilbi na ng kung ilang taon si Isko Moreno sa Manila, hindi pa sapat iyon upang iboto siyang Pangulo. Kailangan pa ng maraming pagbabago at pag-unlad ang Lungsod ng Maynila. Kailangan pa nila si Isko upang ipagpatuloy niya ang pagsulong ng siyudad. Hindi pa panahon upang umupo siya sa Malakanyang. Dapat ay magsilbi siyang muli bilang meyor ng Maynila, susunod ay Congressman, at saka Senador, bago umupo bilang Presidente.
Sa aking palagay, nararapat din munang maging Kinatawan o Senador si Dr. Willie Ong bago pasukin ang posisyon bilang Pangalawang Pangulo lalo na at mabibigat ang kanyang makakalaban. Hindi pa sapat ang kanyang nagawa sa sambayanang Pilipino. Hindi basehan ang popularidad upang maging pamantayan ng saloobin ng mga botanteng Pilipino. Ang pag-follow nila sa iyo sa Facebook dahil sa iyong payong pang-medisina ay hindi indikasyon na iboboto ka rin nila. Iba ang gusto sa pulso ng bayan!
Ihantad man ng mga katunggali ni Isko Moreno ang kanyang hubad na larawan sa mga billboard, pahayagan, at social media, hindi ito ang basehan upang hindi siya piliin ng kanyang mga tagahanga at siya ang iboto ng mga ito. Unti-unti nang nagigising ang mga botanteng Pilipino. Nawa ay maihalal ang tunay na lider na may malasakit sa bayan sa Halalan 2022. Hindi mahalaga ang dunong dahil marami na tayong naging mga lider na mataas ang pinag-aralan subali't wala pa ring buting naidulot sa bayan. Ang mahalaga ay ang malinis na puso at tunay na hangaring makatulong. Sana ay hindi makialam ang COMELEC at ang mga PCOS machines sa tunay na saloobin ng sambayanang Pilipino!
Yorme at Dr. Ong, pag-isipan po muna ang posisyong inyong susuungin. Ayoko pong magsisi kayo sa huli.
(Reference: Wikipedia)
No comments:
Post a Comment