Thursday, June 18, 2009

POLITICAL ADS ng maka-administrasyon, NAMAMAYAGPAG NA


Namamayagpag na ang kabi-kabilang anunsyo at political ads ng mga kawani ng gobyernong Arroyo na nagnanais na mahalal sa darating na Election 2010. Sa pagsusuri, tinatayang milyong-milyong pisong pondo ng gobyerno ang ginamit upang mapabango ang mga pangalan nina:

1. President Gloria Macapagal Arroyo;
2. Health Secretary Francisco Duque
3. Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.;
4. Education Secretary Jesli Lapus;
5. Vice President Noli de Castro;
6. Tesda director general Augusto Syjuco;
7. Pagcor chairman Efraim Genuino;
8. Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman; at
9. Executive Secretary Eduardo Ermita


Bilang reaksyon, nagsampa ng petisyon ang Abugadong si Ernesto Francisco sa Regional Trial Court ng Maynila upang mapatigil ang mga anunsyong ito.


Sa aking palagay, walang masama kung gumasta man ng limpak-limpak na salapi ang mga nagnanais na kumandidato sa susunod ng eleksyon kung galing mismo sa kanilang mga bulsa ang pondong ginasta. Makakatulong ang mga salaping ito upang umusad ang ekonomiya. Syempre, tiba-tiba ang ABS-CBN, GMA 7 at ang kanilang mga radio stations at publikasyon.
Pero malaki ang porsyentong galing sa baul ng bayan ang karamihan sa mga perang ito lalo na't sasabihing "for information dessimination" ang lahat. Tutoo naman ito dahil tulad ng Kagawaran ng Kalusugan, dapat ipakilala ni Kalihim Francisco Duque ang mga proyekto ng kanyang opisina. Ang mali lamang, mas malaki ang litrato niya sa mga anunsyong inilalabas.Isa pa, kailangan pa bang ibandera ang kanilang mga mukha sa mga anunsyong hindi naman sila ang nagbayad?
Tulad ng dati, tiyak na mapupuno na naman ng larawan ni Gng. Arroyo ang kahabaan ng mga kalsada upang ibanderang "siya" ang nagpagawa ng mga ito gayong pondo rin ng bayan ang ginamit sa mga proyektong ito. Kahit naman ordinaryong tao ay kayang magpagawa ng mga kalsada, tulay, paaralan at kung anu-ano pang impraistraktura kung sila man ay may pondong galing sa gobyerno. Hindi sila masisisi kung gusto man nilang ipangalakdakan ang kanilang mga pagmumukha sa buong Pilipinas kung sila mismo ang gumastos sa mga proyektong nabanggit.
Kung hindi galing sa bulsa ng kakandidato at pondo ng bayan, malamang na galing sa mga pribadong personalidad ang mga pondong ginamit sa mga "political ads" na ito. Ngayon palang ay kumukuha na ng mga manok na hihimasin ang mga may-ari ng malalaking korporasyon para sa kanilang pansariling kapakanan sa susunod ng mga taon. Hindi tanga ang mga negosyante upang maglabas ng malaking pondo para sa mga kakandidato kung wala silang mapapala sa mga ito. Para sa kanila, ang eleksyon ay para ring negosyo na kailangang pagtubuan.


At tulad ng dapat asahan, ibabasura na naman ng Korte Suprema ang petisyon ni Atty. Ernesto Francisco dahil mahirap patunayan na pangsariling kapakanan ng mga personalidad na maka-Arroyo ang pagpapalabas ng mga ads na ito. Isa pa, hindi rin sila makakasuhan sa ilalim ng Election Code dahil hindi pa naman sila nagpaparehistro para maging kandidato sa Halalan 2010.


Ang nararapat gawin ng mga mamamayan ay suriin, pag-aralan at timbangin ang mga katangian ng mga kakandidato sa susunod ng halalan. Pero sa mga kumakalam ang sikmura, hindi na naman mahalaga kung sino pa ang umupo sa Malakanyang, Senado, Kongreso, Kapitolyo at Munisipyo dahil wala naman silang aasahang pagbabago kapag nagsipag-upo na ito sa kanilang mga pwesto. Mas okay pa sa kanila na tanggapin ang mga salaping iniaalok ng kung sino mang kandidato kapalit ng kanilang boto dahil kahit papaano ay nakinabang na sila rito.

No comments:

RJ De Vera Wins Mr Man Hot Star International 2023

The Philippines' RJ De Vera won Mr. Man Hot Star International 2023 held at the Saensuk Grandhall of the Bangsaen Heritage Hotel in Chon...